-- Advertisements --

ILOILO CITY – Isa ang Ilongga na si Rabiya Mateo sa mga napipisil na frontrunner sa 1st edition ng Miss Universe Philippines 2020 competition.

Si Rabiya ang kinatawan ng Iloilo City sa Miss Universe Philippines 2020 at nagtapos bilang cum laude sa kurso na Bachelor of Science in Physical Therapy sa Iloilo Doctors’ College.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo sa pageant blogger na si Norman Tinio, sinabi nito na marami ang strong contenders para maging Miss Universe Philippines 2020 at maging kinatawan ng bansa sa international stage.

Ayon kay Tinio, kabilang sa mga malalakas na kalaban ni Rabiya ay ang mga titleholders na sina Bb. Pilipinas Globe 2018 Michelle Gumabao ng Quezon City at Miss Global Beauty Queen Philippines 2018 Pauline Amelinckx ng Bohol, Maria Ysabella Ysmael ng Parañaque City, Tracy Maureen Perez ng Cebu City, Apriel Smith ng Cebu Province at Alaiza Flor Malinao ng Davao City.

Si Rabiya ang nanalo sa Make Up Challenge ng Miss Universe Philippines 2020 kung saan mas hinigpitan ang ipinapatupad na health protocol dahil na rin sa COVID-19 pandemic.

Ang coronation night ng Miss Universe Philippines 2020 ay gaganapin sa Mall of Asia Arena sa Pasay kung saan ipapasa ni Gazini Ganados ng Talisay, Cebu ang korona sa kanyang successor.