ILOILO CITY- Eksklusibong ibinahagi sa Bombo Radyo ng Ilongga mountaineer ang kanyang karanasan upang matuloy ang kasal nila ng kanyang kasintahan sa tuktok ng Mt. Apo, ang pinakamataas na bundok sa Pilipinas.
Ang magkasintahan ay sina Nesgen Caburlan Zerrudo ng Sta. Teresa, Jordan, Guimaras at Lino Nobleta Zerrudo ng Pototan, Iloilo.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa bride, sinabi nito na hindi naging madali ang kanilang pag-akyat sa Apo dahil sumabay ito sa pananalasa ng bagyo Paeng noong huling Linggo ng Oktubre.
Ayon kay Zerrudo, tumagal ng mahigit tatlong araw ang kanilang pag-akyat patungo sa tuktok ng bundok na lalong naging mahirap pa dahil sa pag-ulan,madulas na daan at malakas na hangin.
Ngunit aniya, tila milagro ang nangyari na noong araw mismo ng kanilang kasal, tumila ang ulan kung kayat natuloy ang seremonya na pinangunahan naman ng isang pastor na isa ring mountaineer at ang kanilang mga abay ay mga kasamahan din nila sa grupo.
Literal naman nitong naramdaman na nasa cloud 9 habang kinakasal dahil sa makakapal na ulap na nakapaligid sa kanila.
Ang dalawa ay sinasabing pinakaunang magkasintahan na ikinasal sa tuktok ng Mt Apo.