-- Advertisements --

Panibagong karangalan para sa Pilipinas ang dala ng 200-man team ng Philippine National Police (PNP) na nakilahok at sumungkit ng mga medalya sa World Police & Fire Games 2022 sa Netherlands.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Executive Master Sergeant Junel Perania, nag-iisang pulis mula sa Western Visayas na ipinadala sa naturang Olympic-style competition sa Rotterdam, sinabi nito na nakatakdang umuwi ngayong araw at bukas ang delegasyon ng bansa.

Si Perania ay tubong Railway, Lapuz Norte, Iloilo City, at assigned sa Regional Learning and Doctrine Development Division sa Police Regional Office (PRO) 6.

Nadepensahan nito ang titulo bilang reigning champion sa Karate sa nasabing sports event na nilahukan ng police, fire, customs and corrections personnel mula sa 70 na mga bansa.

Kahanga-hanga ang performance ni Perania dahil naging kinatawan rin ito ng bansa sa Southeast Asian Games, Asian Games, at World Games at siya rin ang coach ng Philippine Team sa Asian Karate Federation.

May 63 na sporting events sa kumpetisyon kabilang na ang crossfit athletics, water polo, kite surfing, at ultimate fire fighting.