ILOILO CITY – Itinuturing na panalo ng mga Pilipino lalo na ng mg Ilonggo ang pagwagi ng pelikula na “Sa Paglupad ka Banog” sa 13th Kota Kinabalu International Film Festival 2022.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Elvert Bañares, director ng nasabing pelikula, sinabi nito na dangal para sa mga Pilipino ang pagwagi ng pelikula sa tatlong top prizes.
Ayon kay Bañares, kasabay ng kanyang personal na pagtanggap ng award sa Sutera Harbour Marina Theater sa Sabah, Malaysia, inaalay niya ang panalo sa mga Ilonggo at Panay Bukidnon Community.
Ang lahat ng napanalunan ay ibibigay ni Bañares sa Panay Bukidnon community sa Calinog at Lambunao, Iloilo.
Sa ngayon, may 23 nang mga international film festival na nasalihan ang nasabing pelikula.
Ngayong araw, nakatakdang i-anunsiyo na maging bahagi rin ang “Sa Paglupad ka Banog” sa film festival sa Spain.