LOILO CITY – Napatunayan ng isang Ilonggo overseas Filipino worker ang power of manifestation and prayers matapos itong nangibabaw sa Special Professional Licensure Examination for Secondary Teachers.
Ito ay si Freddie Baldago Tanlawan Jr., residente ng Brgy. Gabi, Gigantes Sur, Carles, Iloilo na labing-limang taon nang nagta-trabaho bilang Risk Management Specialist sa Riyadh, Saudi Arabia.
Nasungkit ni Tanlawan ang unang pwesto sa exam matapos nakuha ang 89.90% na rating.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Tanlawan, sinabi nitong bago ang exam sa Philippine Embassy sa Riyadh noong Abril 22, 2023, halos apat na oras lang ang tulog nito bawat gabi sa loob ng halos siyam na buwan dahil sa pag-review.
1995 nang nag-enrol si Tanlawan sa Bachelor of Arts in Political Science sa University of the Philippines – Miag-ao ngunit hindi ito natapos dahil sa kanyang health condition.
Sunod nitong pinag-aralan at tinapos ang Bachelor of Science in Electrical Engineering sa Capiz State University – Main Campus.
Hindi man ito Registered Electrical Engineer dahil hindi nakapag-exam, inilaan naman nito ang higit isang dekada sa trabaho sa Saudi Arabia at noong Covid-19 pandemic, nag-take ito ng education units sa University of the Philippines Open University para sa board exam.
Ngayong Top 1 na si Tanlawan, plano nitong tapusin ang contract sa Saudi, magpapatuloy sa Masters in Teaching, at pasukin ang Department of Education bilang isang Math teacher.