Ilonggo priest, na-appoint bilang bagong Vice Rector at Oeconomus ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma
Halu-halong emosyon ang nararamdaman ng isang Ilonggo priest kasunod ng kanyang appointment bilang bagong Vice Rector at Oeconomus ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Fr. Marvin Tabion na tubong Tubungan, Iloilo, sinabi nitong nakakaramdam siya ng kaba sa malaking responsibilidad ngunit ikinagagalak rin nito dahil maraming mga Ilonggo ang nananalangin para sa kanya.
Si Fr. Tabion ay unang naglingkod sa St. Nicholas of Tolentino Parish sa Lambunao, Iloilo, sunod ay sa Archdiocese of Jaro sa loob ng isang taon, at naging procurator sa Saint Vincent Ferrer Seminary sa Jaro,Iloilo City sa loob ng 10 taon.
Ipinadala siya sa Roma upang mag-aral sa Pontifical Gregorian University sa kurso na Licentiate in Leadership and Management.
Natapos ito noong Hunyo ngunit nanatili siya sa Roma hanggang na-appoint ng Catholic Bishops Conference of the Philippines na bagong Vice Rector at Oeconomus ng Pontificio Collegio Filippino.
Ayon sa 45-anyos na Ilonggo priest, responsibilidad nitong i-oversee ang material, personnel at financial matters sa loob ng tatlong taon.
Ang Pontificio Collegio Filippino ay itinayo noong 1961 at naging tirahan ng Filipino diocesan priests na nag-aaral sa iba’t ibang pontifical universities sa Roma.