-- Advertisements --
Pau Valdepeñas Proud Nurse

Patuloy na hindi nawawalan ng pag-asa ang maraming mga medical at health care workers sa bansa sa kabila ng matinding krisis sa COVID-19.

Sa panayam ng Star FM Baguio kay Pau Valdepeñas, isang nurse sa East Avenue Medical Center sa Quezon City, sinabi nitong hindi biro at mahirap ang kanilang trabaho dahil araw-araw pa rin silang pumapasok para magampanan ang kanilang tungkulin.

Ibinahagi rin nito na hindi lang ang kanilang pisikal na kalusugan ang kanilang binabantayan kundi maging ang kanilang mental health.

“Lahat ng mga naa-admit na pasyente, dumadaan muna sa area naming. Battle mo kasi dito is between your mentality, your physical health. Hindi siya biro. Anytime, pwede mong ma-acquire yung sakit na yun kapag hindi mo naprotektahan yung sarili.”

Inamin rin nito na ang COVID-19 ang pinakamatinding pagsubok na kanyang nakaharap sa kanyang career bilang health care professional ngunit sinabi rin nito na siya ay proud at patuloy na magbibigay serbisyo anuman ang mangyari.

“First time ko ring nagkaroon ng ganitong experience, yung talagang pandemic.

Nagpapasalamat kami kasi marami talagang tumutulong sa amin na mga organizations at foundations. Sana maintindihan din ng bawat tao na hindi dapat pandirihan yung mga health care workers. Proud ako, kasi bilang Pilipino, very resilient tayo, at saka nandiyan yung pagkakaroon natin ng empathy sa mga kababayan natin. I’m a proud Filipino nurse!”

Mensahe rin nito sa lahat ng mga kapwa front liners niya sa medical industry na wag susuko at laging magpakatatag lalo na sa krisis ngayon.

“Sa mga health care workers, lagi lang po tayong manalangin sa Diyos. Panatilihin din po natin ang katatagan ng ating isipan.”