Wagi ang undefeated International Master (IM) na si Michael Concio Jr. matapos makalikom ng 14 points mula sa 15 blitz section ng Bangkok Chess Club Open noong Huwebes ng gabi, Abril 17.
Ang 19-anyos na Filipino chess prodigy ay nagtala ng 13 panalo at dalawang tabla para maagaw ang posisyon sa kabila ng presensya ng mas mataas na titulo gaya ng Grandmasters. Tinalo niya sa puntos sina Ukrainian GM Vitaly Bernardskiy (13.5) at IM Dmytro Danylenko (11).
Tumanggap si Concio ng tropeo at 18,000 baht o tinatayang P30,000.
Nasa ika-apat na puwesto si Filipino FIDE Master Christian Gian Karlo Arca na may 10 puntos.
Sa standard division, natalo si Arca kay Macedonian GM Evgeny Romanov sa ikalimang round. Pareho silang may 4 puntos kasama si Concio, na nagtala ng tabla kontra Czech GM Tomas Kraus. Nanguna si Romanov at IM Pau Bersamina (4.5 pts), na tinalo ang Chinese player na si Wei Yuyang.
Sa ikaanim na round, si Bersamina ay makakaharap si Indian GM Babu Lalit, si Concio naman ay lalaban kay German GM Jan Gustafsson, at si Arca ay makakaharap si Thai IM Prin Laohawwirapap.