-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — May galak na inabangan ng mga deboto ang pagbisita sa lalawigan ng Aklan ng Imahen ng Poong Nazareno ng Quiapo ngayong araw ng Huwebes, Abril 20, 2023.

Ang poon ay unang bumisita sa Most Holy Rosary Parish Church ng Barangay Rosario, Malinao, Aklan.

Mula sa pagdaong ng sinakyan nitong barko sa Caticlan ay mala-fiestang sinalubong ang banal na imahe ng mga debotong nag-abang sa gilid ng kalsada bitbit ang mga tarpaulin.

May iba sa kanila na sumama sa motorcade patungo sa naturang simbahan na may nakasabit na flaglets o maliliit na balloon na kulay maroon at gold sa kanilang side mirror.

Ilan sa mga deboto ay sa simbahan na naghintay para sa misa na sinundan ng tradisyunal na “Pahalik” at punas.

Nagsagawa ng vigil sa simbahan upang taimtim na makapanalangin ang mga deboto.

Ayon kay Fr. Salvador Piad, kora paroko mananatili ang imahen ng Itim na Nazareno sa kanilang parokya sa loob ng dalawang gabi o hanggang sa Sabado bago ilipat sa ilan pang simbahan.

Maswerte umano sila dahil napili ang kanilang simbahan na paglagakan ng imahen kabaliktaran sa naunang plano na sa simbahan ng Boracay at Kalibo dahil sa seguridad.

Ilalagak din ang Poong Nazareno sa St. Joseph Spoused of the Blessed Virgin Mary Church sa Banga at Diocesan Shrine of Our Lady of Most Holy Rosary Parish sa bayan ng New Washington para masulyapan ang imahen.

Sa Abril 24 ay magkakaroon ng farewell mass sa simbahan ng New Washington bago bumalik sa Quiapo Church.

Nagkalat naman ang mga vendors sa paligid ng simbahan na nagbebenta ng Black Nazarene souvenirs gaya ng towels, mga imahe, mga kuwintas, at iba pa.