(Update) BACOLOD CITY – Kaagad na humingi nang tawad ang isang pastor sa Negros Occidental na umapak at nagwasak ng imahe ni Sr. Sto. Niño.
Si Pastor Christopher Gayoba ng River of Life Ministries sa Barangay Tabao, Valladolid ay kinuhaan ng video ng kanyang mga kasamahan sa simbahan habang tinatapakan at dinudurog nito ang imahe ng santo at ini-upload pa ito sa YouTube.
Tinawag ng pastor na demonyo ang santo at magdadala ra sa mga tao sa impiyerno.
Dahil dito, nanggagalaiti naman sa galit ang mga residente sa Negros Occidental sa ginawa ng pastor.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Father Diosdado Latoza ng Saint John Paul II Parish sa Valladolid, humiling ito sa mga netizens at mga residente na huwag nang palakihin ang isyu dahil apektado ang pamilya ng pastor na deboto rin pala ng simbahang Katolika.
Ayon sa pari, kailangang sundin ang prinsipyo ni Pope Francis kaugnay sa kapayapaan at pagmamahal sa kapwa kaya’t humiling ito na iwasan na lang ang negatibong komento laban sa pastor.
Makalipas ang ilang oras, isang video muli ang inilabas ng pastor upang ipaabot ang kanyang paghingi ng sorry sa mga Katoliko na nasaktan sa kanyang ginawa.