Paiigtingin ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian ang imbestigasyon sa posibleng pagkakasangkot ng mga bangko at iba pang financial institution sa mga kasong money laundering na nauugnay sa mga ilegal na aktibidad ng Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.
Ipinagtataka ni Gatchalian kung bakit nabigo ang mga bangkong imbestigahan ang P7 bilyon na halaga ng transaksyon na nagbigay daan kay dating Bamban Mayor Alice Guo sampu ng kanyang mga kasamahan na magtayo ng POGO hub sa Bamban.
Ang naturang halaga ay ang sinasabing perang ginamit sa pagpapatayo ng POGO hub sa Bamban.
Giit ng senador, panahon nang puksan ang money laundering na isang krimen.
Sa ngayon ay hinahanda na ni Gatchalian ang ihahaing resolusyon na nananawagan ng imbestigasyon hinggil sa usaping ito.
Nauna nang sinabi ni Gatchalian na ang mga kriminal na aktibidad ng mga POGO tulad ng human trafficking, kidnapping, investment at love scam at iba pa ay maiiwasan sana kung mahigpit na sumusunod ang mga bangko sa Anti-Money Laundering Act.
Sa loob ng mahigit dalawang taon, itinaguyod ng senador ang pagwawakas ng lahat ng operasyon ng POGO sa bansa.
Aniya, ang mga transaksyong kinasasangkutan ng daang daang milyong pera na may kaugnayan sa POGO ay dapat na maimbestigahan.
Sa mga huling pagdinig ng Senado sa POGO, sinabi ng Anti Money-Laundering Council na tuloy pa rin ang pagsasagawa nila ng imbestigasyon kung saan kinuha ang pondong ginamit sa pagpapatayo ng Bamban POGO hub.