Nagpapatuloy ang imbestigasyon laban sa iba pang mga personalidad na sangkot sa drug war ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na inaakusahan ng crimes against humanity ng International Criminal Court (ICC).
Ayon kay ICC spokesman Fadi El Abdallah, patuloy sa pag-iimbestiga ang ICC prosecutor at kaniyang opisina hinggil dito at kung may sapat na ebidensiya, ipi-presenta nila ito sa ICC judges at magpapasya ang judges kung magi-isyu ng arrest warrants sa mga sangkot na indibidwal.
Sa ngayon, hindi pa aniya sila nagbibigay ng karagdagang detalye sa iba pang mga indibidwal na iniimbestigahan dahil sa confidentiality nito na mahalaga para matiyak ang tagumpay ng pagsisiyasat.
Bagamat walang binanggit na pangalan ang ICC spokesman, nauna ng inihayag ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) at implementer ng drug war sa ilalim ng Duterte administration, inaasahan na niyang siya na ang susunod na aarestuhin ng ICC.
Maliban kay Dela Rosa, nauna ng tinukoy ng Department of Justice (DOJ) si retired police chief Oscar Albayalde na kabilang sa mga pangunahing subject sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng ICC.
Bagamat nilinaw ni Justice Undersecretary Nicholas Felix Ty noon na wala pang arrest warrant na inisyu laban kina Dela Rosa at Albayalde.