Naniniwala ang Department of Justice na tumataas na ang kumpiyansa ng publiko na magsalita laban sa malawak na operasyon ng drug war ng nakalipas na administrasyon.
Dahil dito, sinabi ni DOJ spokesman Asec. Mico Clavano na mayroon nang malaking progreso ang isinasagawa nitong imbestigasyon sa kontrobersiyal na drug war.
Paliwanag ni Clavano, dati-rati ay nahihirapan ang DOJ na makakuha ng maraming testimoniya mula sa mga testigo dahil sa kanilang takot na magsalita.
Gayunpaman, tumaas aniya ang kumpiyansa ng publiko na magsalita kasunod na rin ng regular na diyalogong isinasagawa ng mga operatiba ng DOJ.
Isa sa mga sentro ng imbestigasyon ng DOJ ay ang umano’y qouta system na sinunod ng Philippine National Police noong ipinatupad ang madugong drug war.
Ayon kay Clavano, una nang iniutos ni Justice Sec. Jesus Crispin Remulla na tutukan ang naturang modus dahil malaki ang posibilidad na dito nagsimula ang patayan, pagtatanim ng mga ebidensiya, at pang-aabuso ng mga pulis, at iba pang mga modus para lamang maabot ang inilaang qouta.
Tiniyak ni Clavano na solido ang isinasagawang imbestigasyon upang masigurong mapanagot ang mga umabuso sa drug war ng nakalipas na administrasyon.