Target ng Senado na simulan ang imbestigasyon kaugnay sa war on drugs sa susunod na linggo o bago pa man magbalik sesyon ang Kongreso sa Nobiyembre.
Paliwanag ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na nais niya na habang naka-recess ang kongreso isagawa na ang war on drugs investigation dahil inaasahan na sa pagbabalik ng kanilang sesyon ay tatalakayin na ang panukalang pondo para sa susunod na taon.
Ayon pa sa Senate President, posibleng ma-assign ang drug war investigation sa Blue Ribbon committee na pinamumunun nu Sen. Pia Cayetano o kaya’y sa Justice Committee na pinangungunahan ni Sen. Koko Pimentel.
Bagamat nananatili pa rin naman aniyang option ang rekomendasyon ni Sen. Risa Hontiveros na italaga sa Senate Committee of the whole ang pagsasagawa ng imbestigasyon, bagay na hindi naman sinang-ayunan ng karamihan sa mga Senador.
Samantala, nakatakda namang makipagkita ngayong weekend si Sen. Escudero kina Sen Ronald Dela Rosa, Sen. Bong Go at iba pang mga Senador para isapinal ang naturang usapin para matiyak ang patas at walang pinapanigang imbestigasyon.
Matatandaan na nauna na ngang iminungkahi nina Sen. dela Rosa at Go na maglunsad din ng sariling imbestigasyon ang Senado kaugnay sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos na madawit sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng House Quad Committee.