Tumanggi muna ang TV Network na isapubliko ang resulta ng kanilang sariling imbestigasyon kaugnay sa aksidenteng nangyari bago pumanaw ang legendary actor na si Eduardo “Eddie” Garcia.
Ayon sa Kapuso Network, natapos na nila ang imbestigasyon pero hiling daw ng pamilya ni Manoy na mabigyan muna sila ng kopya bago ibahagi sa publiko.
Gayunman, ayon kay Dr. Tony Rebosa na siya ring tagapagsalita ng pamilya Garcia, nasa bakasyon pa ang longtime partner ni Eddie na si Lilibeth Romero.
Narito ang buong pahayag ng GMA Network:
“GMA Network has completed its internal investigation on the accident involving the late Mr. Eddie Garcia.
“The family wishes to be given a copy before we share the report with the public.
“Thank you.”
June 10 nang ianunsiyo ng nasabing istasyon na magsasagawa sila ng internal investigation hinggil sa usap-usapang kawalan ng medical team sa taping ng teleserye sa Tondo, Maynila noong June 8, kung saan naaksidente ang 90-year-old multi-awarded actor.
Una nang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nanganganib na maharap sa parusa at multa ang TV network kaugnay sa tinamong injury ni Eddie na nauwi sa pagka-comatose nito bago tuluyang bawian ng buhay.
Ito’y sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng Occupational Safety and Health Center (OSHC).
Ayon pa sa kalihim ng DOLE, marapat lang na mayroong OSH officer sa lahat ng establishment para sa kaligtasan ng lugar at senyales na tumalima ito sa health standards alinsunod sa OSH Law.
Nabatid na si Bello ang nag-utos sa OSHC partikular sa executive director nitong si Noel Binag para isagawa ang imbestigasyon.
Kahit hindi aniya magreklamo ang pamilya ni Manoy ay puwedeng maghain ng administrative charges ang OSHC kapag napatunayang may pananagutan ang network.
“The network may be slapped with a monetary fine or suspensions of operations depending on how grave the lapses were,” dagdag ni Bello.
Nitong June 20 nang sumakabilang-buhay si Eddie.