Itinanggi ni House Committee on Public Order and Safety chairman at Santa Rosa City Rep. Dan Fernandez na nadidiktahan ang quad committee ng Kamara de Representantes kaugnay ng imbestigasyon nito sa iligal na operasyon ng POGO, bentahan ng iligal na droga at mga kaso ng extrajudicial killings sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Sinabi ni Fernandez na hindi maaaring diktahan ng liderato ng Kamara de Representantes ang imbestigasyon ng mga komite nito.
Ayon kay Fernandez hindi rin si Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang bumuo ng quad committee.
Ang pahayag ni Fernandez ay tugon sa tanong kaugnay ng sinabi ni Sen. Ronald dela Rosa na mayroong mataas na opisyal na nagdidikta sa quad committee bilang bahagi umano ng plano na sirain ang anti-drug campaign ng nakaraang administrasyon.
Si dela Rosa ang hepe ng Philippine National Police ng ipatupad ang war on drug campaign ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ipinunto ni Fernandez na mahigit 300 ang mga kongresista sa Kamara at mahirap umano na diktahan ang lahat ng ito.
Isa rin umanong kalokohan na suhulan ang mga tumetestigo sa pagdinig dahil maaaring lumabas ang mga ito sa telebisyon para sabihin na sila ay pinipilit na tumestigo.
Mahirap umano na diktahan ang isang resource person dahil maaaring bumaliktad ang mga ito.
Kuwento ni Fernandez nabuo ang quad committee dahil napansin nila nina Committee on Dangerous Drugs chair Robert Ace Barbers, Committee on Public Accounts chair Joseph Stephen Paduano, at Human Rights committee chair Bienvenido Abante na pare-pareho ang mga resource person na sangkot sa iniimbestigahan ng kani-kanilang komite.
Kinausap umano ng apat na chairperson si Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. kaugnay nito kaya siya ay nag-privilege speech at naghain ng resolusyon para ilatag at pagbotohan sa plenaryo ang panukala na buohin ang quad committee.