Kasado na ngayong araw ang imbestigasyon ng Senate Committee on Foreign Relations ukol sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pangungunahan ni Senadora Imee Marcos, kilalang kaibigan ng mga Duterte ang naturang pagsisiyasat.
Lilinawin din sa pagdinig ang naging papel ng International Criminal Court (ICC), International Criminal Police Organization (Interpol), at mga kinauukulang ahensya ng gobyerno sa pagkakaaresto kay Duterte.
Una nang sinabi ni Marcos na ang ginawang pag-aresto sa dating pangulo ay isyu nang pagkakahati ng bansa.
Kinakailangang aniyang matukoy kung sinunod ang due process at matiyak na pinoprotektahan ang legal rights ni Duterte lalo na aniya’t nasasangkot ang International Criminal Police Organization at International Criminal Court
Upang bigyang linaw ang isyung ito, inimbitahan ni Marcos ang mga opisyal mula sa Philippine National Police (PNP), Department of Justice (DOJ), Office for Transportation and Security ng Department of Transportation, National Security Council, Civil Aviation Authority of the Philippines, Department of National Defense (DND), at iba pang resource persons at witnesses.
Gayunpaman, Umaasa si Senate President Francis Chiz Escudero na maging daan para sa paghilom at pagkakaisa at hindi makadagdag sa pagaaway ang ikakasang pagdinig ni Marcos ukol sa pag-aresto kay Duterte.
Umaasa rin ang senador na hindi makadagdag ang pagdinig sa paglalim pa ng sugat at hidwaan sa pagitan ng ating mga kababayan.
Maganda rinn aniya na mabigyang linaw sa pagdinig ang mga tanong, pangamba at pag-aalinlagan ng publiko sa naganap na pag-aresto sa dating pangulo.