-- Advertisements --
LRTAp

Tiniyak ng pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na gumugulong na ang imbestigasyon para mabatid ang sanhi ng banggaan ng dalawang tren na ikinasugat ng 34 indibidwal,Sabado ng gabi.
Ayon kay LRTA board secretary at Spokesperson Hernando Cabrera na bumuo na sila ng fact finding committee para matukoy kung bakit gumalaw ang dead train mula sa pocket track.
Kasama sa iimbestigahan ang black box ng dalawang tren.
Magbibigay din ng rekumendasyon ang fact finding committee para hindi na maulit ang aksidente.
Sinabi ni Cabrera inaasahan nila na sa loob ng dalawa hanggang tatlong araw magkakaroon na ng resulta sa imbestigasyon.
Dagdag pa ni Cabrera target ng kanilang imbestigasyon ang dahilan ng pag-andar ng kinukumpuning tren kahit pa walang nag-ooperate at “all system off” ito.
Nilinaw naman ni LRTA Administrator Atty. Reynaldo Berroya, walang nangyaring pagsabog sa mga tren tulad nang inakala ng ibang pasahero.
Nangyari ang salpukan ng dalawang tren sa may bahagi ng Cubao at Anonas Station.
Natanggal na ang gumalaw na dead tren, at ang pokus sa ngayon ay matanggal ang isa pang tren.
Kapag natanggal na ang tren,agad ipapatupad ang kanilang protocol na safety check at kapag kanilang natukoy na ligtas gamitin ang linya ay agad silang mag resume ng biyahe
Sa ngayon suspendido pa rin ang biyahe ng mga tren sa LRT Line 2.
Umaapela naman pang-unawa ang Department of Transportation dahil tiyak na maaapektuhan din ang mga sumasakay ng LRT2.