-- Advertisements --

Patuloy ang masusing imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagbagsak ng isang rescue aircraft ng Philippine Air Force (PAF) sa bahagi ng Brgy. Upper Manggas, Lantawan, Basilan na ikinamatay ng apat na katao.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Lt. Gen. Corleto Vinluan, commander ng Western Mindanao Command (WestMinCom), nanggaling sa Zamboanga City ang Sikorsky Rotary Wing Rescue Aircraft at patungo sana ito ng Sulu para i-transport ang ilang biktima ng kambal na pagsabog sa Jolo, Sulu.

Nang makarating aniya sa area ng Basilan ang chopper ay bigla na lamang itong bumagsak.

Batay sa report, masama umano ang panahon sa lugar nang mangyari ang insidente.

Inihayag pa ni Vinluan na pinapangunahan na ng mga tauhan ng PNP-Scene of Crime Office (SOCO) ang imbestigasyon sa trahedya.

Samantala, ayon naman kay PAF Spokesperson Lt. Col. Aristedes Galang, kanila nang inabisuhan ang mga kaanak ng apat na Air Force personnel na nasawi sa helicopter crash.

Hindi pa masabi ni Galang kung ano ang dahilan ng pagbagsak ng chopper.

Kasalukuyan nang sinecure ng mga tauhan ng 4th Special Forces Battalion ang naturang area.