-- Advertisements --

Posibleng abutin ng isang taon ang imbestigasyon sa eroplanong bumagsak at nasunog sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kagabi.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) spokesperson Erik Apolonio, masusi at masalimuot na proseso ang kailangan pang daanan bago ilabas ang resulta ng imbestigasyon.

Kasama na aniya rito ang pagsusuri sa pagkawasak ng eroplano, pag-interview sa mga nakasaksi at pagkuha ng service record ng mismong eroplano.

Bineberipika pa rin daw ng mga imbestigador kung may flight recorder ang eroplano na ipapadala sa Singapore, Japan o Austria para sa analysis.

Paglalahad ni Apolonio, ang lahat ng nabanggit na hakbang ay maaring abutin ng 6 na buwan hanggang 1 taon.

Batay sa paunang imbestigasyon ng CAAP, nagkaroon umano ng technical problem ang medical evacuation flight habang nagte-take off ito.

“The medical evacuation flight, bound for Tokyo/Haneda in Japan reportedly encountered a technical problem while rolling for takeoff on Runway 06,” pahayag ng CAAP.

Ang eroplano, na natukoy na isang Agusta WW24 aircraft, ay may lulang walong katao at patungo sana sa Haneda Airport sa Japan.

Kumukuha na rin umano ng karagdagang impormasyon ang Philippine Aeronautical Rescue Coordination Center (PARCC) tungkol sa aksidente.