Maaaring marami pang tauhan at opisyal ng pulisya ang makaladkad hinggil sa pamamayagpag ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).
Ayon kay PNP Chief P/Gen. Rommel Francisco Marbil, kanilang iimbestigahan ang regional director ng Central Luzon Police para makita kung may kakulangan sa trabaho nito kaya namayagpag ang mga gaming hub.
Lumabas kasi sa mga operasyon ng PNP na may kaugnayan ang iligal na POGO sa Bamban, Tarlac at maging sa Porac, Pampanga.
Ayon kay Marbil, aalamin nila kung paano sumulpot ang naturang mga scam farm, gayung mahigpit ang patakaran dito ng pamahalaan.
Matatandaang inalis na sa pwesto ang halos lahat ng mga pulis sa Bamban Municipal Police Station sa Tarlac habang inalis din sa pwesto ang hepe ng Pampanga Police Provincial Office.
Ani Marbil, ayaw niya sabihing may protektor na pulis sa iligal na POGO.