DAGUPAN CITY — Patuloy ang isinasagawang operasyon ng kapulisan ng bayan ng Mangaldan sa isang investment scam matapos na lumapit sa mga awtoridad ang apat na mga biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay PLt.Col. Roldan Cabatan, Officer-in-Charge ng Mangaldan Municipal Police Station, ibinahagi nito na sa mga nakalap nilang datos sa kanilang isinagawang inisyal na imbestigasyon, ang istilo umano ng mga indibidwal o sindikato ay may mga naghahanap umano sa mga ito ng nirerentahan na sasakyan o tinatawag na pasalo ng sasakyan.
Kapag nakakuha umano aniya ang mga inidbidwal na ito ng mga sasakyan ay dinadala nila ito sa isang tao na nagsisilbing middleman at siya ring naghahanap ng mga mapagsasanglaan na mga nakuha nilang mga bagay gaya na lamang ng sasakyan o titulo ng lupa sa mas mataas na presyo at papangakuan ang mga biktima ng halos 30% na interes ng principal amount na kanilang ibibigay.
Saad ni Cabatan na dito nasisilaw o nagogoyo ang mga biktima upang mag-invest sa scam, at matapos na makuha ng mga sindikato o mga tao ang perang ibinayad ng biktima ay dito na lumalabas ang totoong may-ari ng mga sasakyan o titulo ng lupa.
Sa pagkakataong ito, kung kanino aniya naisangla ng mga suspek ang mga naturang bagay ay doon nila kukunin ang mga sasakyan na “nirentahan” ng mga suspek at hindi na binalik sa kanila ng mga ito.
Dagdag pa nito na maaaring hindi lamang sa bayan ng Mangaldan nangyari ito kundi sa ilan ding mga karatig lugar, lalo na’t naganap ang transaksyon ng ilan sa apat na lumapit na biktima sa kanilang himpilan sa ibang mga bayan kung saan ay kanila namang ineendorso ang kaso sa mga kinauukulang pulisya.
Subalit nais aniya ng mga ito na maitaas at mailapit ang reklamo sa National Bureau of Investigation (NBI) o sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil mas malawak ang saklaw ng mga ahensyang ito sa pagsawata ng mga krimen kaugnay sa syndicated estafa.
Kaunay nito, ay nire-require naman umano nila mula sa mga biktima ang paghahain ng affidavit sapagkat hangga’t walang katibayan ng kanilang naging transaksyon sa mga suspek ay hindi rin nila masasabi kung magkano ang natangay na pera mula sa mga complainant.
Paalala naman nito sa publiko na maging mapagmatyag sa pinapasukang mga transaksyon lalong lalo na sa negosyo, at suriin ding maigi kung ang nagsangla ng lupa o sasakyan ay ang tunay na nagmamay-ari ng mga ito, at kung iba ang nakasulat na pangalan sa mga dokumento ay huwag na lamang makipagtransakyon upang maiwasang mabiktima ng mga ganitong krimen.
Maliban pa rito ay nagbabala rin ito na palaging tingnan ang ipinapangako ng mga investments lalo na kung ito ay labis sa katotohanan o ‘too good to be true’ gaya na lamang ng mga discount na inaalok sa investments. Lagi rin aniyang tandaan bukod sa mga ito ay ang pagsiguro na sa pagpasok sa mga transakyon ay lehitimong negosyo ang mga nakaka-transact bago mag-abot ng anumang kabayaran.