-- Advertisements --
nboc comelec polls midterm

VIGAN CITY – Nakahanda na ang National Movement for Free Elections (NAMFREL) para simulan ang sarili nilang imbestigasyon hinggil sa mga iregularidad ng ginanap na midterm elections.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NAMFREL Secretary General Eric Alvia na hinayaan muna nilang matapos ang pagbibilang ng boto at pagpoproklama ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga nanalong senador at party-list.

Ayon kay Alvia, bubusisiin nilang mabuti kung ano ang nangyari sa mga pumalyang vote counting machine at sa mga nasirang SD (secure digital) cards pati na ang mababang kalidad ng marking pen na ginamit sa pagboto.

Titingnan din aniya nila kung paano nangyari ang pitong oras na delay sa pagsasapubliko ng election results mula sa mga polling precincts hanggang sa COMELECtransparency server kahit na nagpaliwanag na ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting sa pangyayari base sa kanilang sariling imbestigasyon.

Bukod pa sa mga nabanggit, iimbestigahan din ng NAMFREL kung bakit mayroong mga botante ang hindinakita sa listahan ng mga official registered voters ang kanilang mga pangalan.