Siniguro ng Department of Justice (DOJ) na pananatilihing malinis at walang bahid ng politika ang magiging imbestigasyon nila sa extra judicial killings ng war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Sa isang panayam ay nagbigay ng paniniguro si Justice Usec. Jesse Andres na mayroon aniyang tsansa na dumalo si dating Pangulo Rodrigo Duterte sa isasagawang imbestigasyon ng kanilang pamunuan patungkol sa EJK ng kanilang administrasyon dahil isa umanong compliance sa due process ang magiging pagdalo nito kung sakali.
Paliwanag pa ni Andres na hindi aniya ito dahil nais lamang na ipatawag sa ahensya si dating Pangulong Duterte ngunit isa umanong obligasyon na bigyan sya ng pagkakataong maipahayag ang kaniyang mga saloobin tungkol sa naturang isyu.
Wala din umanong ibang agenda ang imbestigasyon kung hindi ipakita kung hanggang saan ang hangganan ng batas ng bansa at para ipakita na ‘no one’s above the law’.
Ang bubuuing task force ay pangungunahan naman ng Office of the Secretary of Justice Prosecution Staff (OSJPS) na siyang pamumunuan ng Senior Assistant State Prosecutor at ng Regional Prosecutor kasama ang siyam na miyembro mula sa National Prosecution Service.
Samantala, binanggit naman kanina ng DOJ na ang mga maaaring kasong nilabag ng nakaraang administrasyon ay maaaring nasa ilalim ng Republic Act no. 9851 o mas kilala bilang law on Crimes against Humanitarian Law, Genocide and other Crimes of Humanity.