Sinimulan na ng Kamara ang imbestigasyon kaugnay ng talamak na pagkalat ng fake news at disinformation sa publiko.
Ang imbestigasyon ay pinangunahan ng Tri-Committee na binubuo ng Committees on Public Order, on Public Information, at on Information and Communications Technology (ICT).
Layunin ng imbestigasyon na tuklasin at ilantad ang mga nasa likod ng massive disinformation machinery at ang epekto nito sa lipunan, partikular sa mga Pilipino.
Ngayong araw, Lunes, January 27 ginanap ang unag executive briefing na pangungunahan ni Sta. Rosa Rep. Dan Fernandez.
Binigyan-diin ni Fernandez ang kahalagahan ng agarang matugunan ang malawakang disinformation o pagpapakalat ng maling impormasyon para linlangin ang publiko na aniya’y nakakaapekto sa pambansang pagkakaisa, kaayusan sa lipunan at mga demokratikong proseso.
Dumalo sa pagdinig ang mga kinatawan mula sa mga pangunahing social media platforms upang ipaliwanag ang kanilang mga polisiya at hakbang sa pananagutan sa paglaban sa fake news, cyberbullying, at mapanirang content.
Nais ng mga mambabatas sa Kamara na malaman ang kakayahan at ang ipinapatupad na polisiya ng mga online platforms sa paglaban sa disinformation, gayundin ang paglikha ng kinakailangang batas bilang solusyon.
Tiniyak ni Fernandez na ang mga nagkakalat ng kasinungalingan at nagmamanipula ng impormasyon para sa sarili at political na interes ay dapat na panagutin.
Tinalakay sa briefing ang transparency ng mga social media platforms sa pagtukoy at pagtanggal ng maling impormasyon, ang pagpapatupad ng mga hakbang sa pananagutan laban sa mga paulit-ulit na lumalabag tulad ng mga iresponsableng vlogger at influencer, at ang mas malawak na epekto ng disimpormasyon sa pambansang seguridad, lalo na sa usapin ng hidwaan sa West Philippine Sea.
Tututukan din sa imbestigasyon ng Kamara ang mga panganib na dulot ng fake news sa mga ordinaryong Filipino, lalu na sa kabataan at marginalized na siyang pangunahing biktima cyberbullying at online harassment.
Inaasahan na magsusulong ang mga mambabatas ng mas pinatibay na mga polisiya upang matiyak na magpapatupad ang mga social media platforms ng mas mahigpit na mga proteksyon at parusa laban sa mga lalabag.
Nagbabala rin si Fernandez at nangakong magsasagawa ng agarang aksyon ang Kongreso laban sa mga nagpapakalat ng fake news.
Hinimok din niya ang publiko na maging mapagbantay at mapanuri sa mga impormasyong kanilang binabasa online, at hinikayat ng sama-samang pagsisikap upang labanan ang paglaganap ng fake news.