-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Inilatag ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang mga proyekto na posibleng tutukan ng imbestigasyon sa pagpasok ng taong 2020.

Ayon kay PACC Commissioner Manuelito Luna sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, pangako ng komisyon ang patuloy na pag-alam sa mga impormasyon lalo na sa mga proyekto na inirereklamo dahil sa anomalya.

Kabilang umano rito ang Calabanga Fishport and Terminal Shed sa Camarines Sur maging ang Bicol International Airport (BIA).

Pagbubunyag pa ni Luna na kakabalik lang ni PACC chairman Dante Jimenez mula sa isinagawang inspeksyon sa Daraga partikular na sa nasabing paliparan.

Kasunod ito ng ulat ng Office of the Presidential Assistant on Bicol Affairs (OPABA) sa mga naobserbahang cracks sa BIA.

Giit ni Luna na kailangan na malinawan ang nasabing isyu kaya nakikipag-ugnayan na sa Department of Transportation (DOTr) upang marinig rin ang panig.

Dagdag pa ng opisyal na maliban sa runway cracks, mas malaking usapin ang matagal nang delay sa pagbubukas ng operasyon ng Bicol airport na ginastusan ng pamahalaan ng ilang bilyon.