Makabubuti umano kung hahayaan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isinasagawa nitong imbestigasyon kaugnay ng mga tauhan nito na sangkot sa umano’y maling paggamit ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union mayroong panloob na proseso ang AFP na hindi dapat maimpluwensyahan mula sa labas.
Ilan umano sa dating miyembro ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) ay sangkot sa disbursement ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd), na dating pinamumunuan ng Bise Presidente.
Batay sa ulat, bumubuo na ang AFP ng isang fact-finding committee para imbestigahan ang papel nina dating VPSPG Commander Col. Raymund Dante Lachica at kaniyang deputy commander na si Col. Dennis Nolasco, sa paggamit ng naturang pondo.
Noong Disyembre 2024, sa pagdinig ng Kamara, tinukoy sina Lachica at Nolasco na responsable sa paglalabas ng milyong pisyong halaga ng confidential fund ni Duterte sa ilalim ng OVP at DEPED.
Binigyang diin din ni Ortega ang kahalagahan ng pagkakaroon ng balenseng legislative oversight at kalayaan ng AFP na makapag-imbestigasyon.