Target ng Commission on Elections (COMELEC) na makompleto ang imbestigasyon sa panghuli na sanang presidential and vice presidential debate ngayong April 23 at 24 na kapwa town hall format, ngunit ipinagpaliban sa susunod na linggo.
Kaugnay ito ng kabiguan ng kanilang partner na Impact Hub na bayaran ang Sofitel Plaza na siyang ginamit bilang hotel venue sa mga naunang naidaos na debate.
Sa isang panayam, inihayag ni COMELEC Commissioner George Garcia na umapela si Commissioner Rey Bulay na siyang nangunguna sa imbestigasyon na bigyan siya hanggang April 30 para aralin ang magiging paliwanag ng mga concerned parties.
Hindi aniya papalpampasin ang kontrobersya lalo’t napahiya rin mismo ang COMELEC.
Maasahan aniya na kapag napatunayang may sala ang kanilang partner, pwedeng kanselahin ang kontrata, magiging blacklisted din ang kompanya, at posibleng sampahan ng reklamo.
Sa inilabas na pahayag ng Impact Hub Manila na siyang nasa likod ng PiliPinas Debate 2022: The Turning Point, wala anilang kinalaman ang COMELEC sa naging aberya nila sa venue deal.
Kasunod ito ng rebelasyon ng hotel management na tumalbog ang tseke na inisyu sa kanila ng debate organizer kung saan umaabot umano sa P14 million ang hindi pa nababayaran.
Sa darating na April 30 at May 1 ang bagong petsa ng pinal na Comelec-organized vice presidential at presidential debates.
Una nang inihayag ni COMELEC spokesman James Jimenez na ang town hall format ay ‘yaong mayroong audience na mabibigyan ng pagkakataon para makapagtanong sa mga kandidato.