LA UNION – Nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pagbagsak ng isang trainer plane na ikinamatay ng student pilot sa karagatan ng Barangay Wenceslao sa bayan ng Caba, La Union.
Nakilala ang biktima na si Mark Irvin Marcelo Sabile, 26, residente ng Apalit, Pampanga.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Wenceslao Punong Barangay Frenie Dugenia Cueto, sinabi nito na unang nakarining ng malakas na ugong ng eroplano ang mga residenteng naninirahan sa dalampasigan kasunod ang pagsabog sa karagatan.
Agad sumaklolo ang mga mangingisda gamit ang kani-kanilang bangka.
Ayon sa opisyal, nahirapan umano sa pag-ahon sa biktima ang mga mangingisda dahil sa tumagas na petrolyo ng naturang eroplano na humalo sa tubig ng dagat.
Nagkalasug-lasug umano ang katawan ng student pilot dahil sa pagbasak ng sasakyan nito.
Samantala, ilan lang sa mga bahagi o debris ng eroplano ang naihahon mula sa dagat at kasalukuyang gumagawa ng paraan ang mga otoridad upang makuha ang main body ng sasakyan.
Sinabi naman ni Philippince Coast Guard-La Union Commander Aloi Morales, ipapaubaya nila sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang imbestigasyon upang matukoy ang dahilan ng pagbagsak ng nasabing eroplano.
Nabatid na nakarehistro umano ang naturang sasakyang panghimpapawid sa First Aviation Acadamey sa Subic, Zambales.