Sisimulan na ng Senado sa Martes, April 30 ang imbestigasyon sa report na may ilang doktor ang may share o nagma-may-ari ng pharmaceutical company at nagrereseta sa mga pasyente ng sarili nilang gamot.
Pangungunahan ang imbestigasyon ng Senate Committee on Health na pinamumunuan ni Senador Bong Go.
Ayon kay Go, hindi katanggap-tanggap ang conflict of interest ng ilang doktor at ang paglabag ng mga ito sa ethical standards sa medical profession lalo na’t buhay ng mga Pilipino ang nakasalalay rito.
Layon din ng imbestigasyon na pag-aralan ang posibleng pag-amyenda o pagpasa ng mas striktong regulasyon para mas mapangalagaan ang integridad ng medical profession tungo sa pagprotekta ng buhay at kalusugan ng bawat Pilipino.
Hinamon din ni Go ang Department of Health at ang PRC o Professional Regulations Commission na imbestigahan ang naturang alegasyon.