Nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyong isinasagawa ng Department of Justice sa modus na ginamit ng grupo ni Alice Guo para makatakas sa bansa.
Ayon kay Justice spokesperson Asec. Mico Clavano, bagaman hindi pa maaaring ilabas ang detalye ng naturang imbestigasyon, tiyak aniyang titingnan ng DOJ ang lahat ng anggulo sa pagtakas ng grupo.
Kabilang sa mga iniimbestigahan ay ang posibleng tumulong sa grupo upang makatakas, kasama ang impormasyong unang lumutang na ilang matataas na government official ang tumulong.
Pinag-aaralan din ng DOJ ang aniya’y mga ebidensiyang nakalap ng Bureau of Immigration (BI) na nagpapatunay na hindi gumamit ang grupo nina Alice Guo ng maliit na bangka para makatakas ng Pilipinas.
Tinutukoy ng opisyal ang umano’y natunton ng BI na stamp markings sa pasaporte ni Alice Guo at iba pa niyang mga kasamahan.
Samantala, hindi rin isinasantabi ng DOJ ang mga impormasyong lumutang sa pagdinig ng Senado ukol sa naging pagtakas ng dating alkalde.