Naniniwala si Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesperson Winston Casio na dapat magsimula sa mga law enforcement agency ang imbestigasyon ukol sa tuluyang pagtakas ni Alice Guo kasama ang iba pang indibidwal na dawit iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators.
Ayon kay Casio, tiyak na mayroong nagpabaya sa mga ahensya na tumututok sa kaso ni Alice at ng mga POGO operation sa kabuuan.
Mainam din aniya na maimbestigahan lahat ng mga ahensya na tumututok dito, kasama na ang PAOCC na isa sa mga nagsagawa noon ng paglusob sa dalawang malalaking POGO sa Bulacan at Pampanga.
Tinawag din ni Casio na ‘napakatanga’ nilang lahat na nasa law enforcement dahil sa hindi nila nabantayan at nakita ang maaaring gagawin ng tinanggal na alkalde.
Pagkukuwento pa ni Casio, dati nang nakatanggap ng impormasyon ang PAOCC ukol sa umano’y pagtakas ni Guo sakay ng dalawang speed boat.
Natanggap nila ang naturang rebelasyon isang oras bago ang tangkang pagsilbi sa warrant ng dating alkalde sa isang hindi na tinukoy na lokasyon.
Kasunod nito, saka na lamang aniya nakita si Alice sa public place noong nasa ibang bansa na siya.