Sisimulan na ng PNP ang imbestigasyon sa ikalawang batch ng mga pulis na umano’y sangkot sa kalakaran ng iligal na droga.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Administration PLt. Gen. Camilo Cascolan, nasa kabuuang 352 pulis ang iimbestigahan sa ikalawang batch kung saan 83 rito ay mula sa National Watchlist on Illegal Drugs (NWID) habang 269 iba pa ay nanggaling sa Counter Intelligence Watchlist (CIW).
Inatasan na rin aniya ang mga regional directors at national support units na umpisahan na rin ang kanilang adjudication process sa naturang mga pulis.
“The RDs and DIRs NSUs have been directed to start their adjudication asap for the NAB to adjudicate by the third week or fourth of May,” wika ni Cascolan.
“We should finish it by the first week of June,” dagdag nito.
Samantala, naisumite na rin umano sa tanggapan ni PNP chief PGen. Archie Gamboa ang resulta ng validation at adjudication para sa first batch, kung saan 357 pulis ang inimbestigahan.
Matapos nito ay isusumite naman ni Gamboa kay Pangulong Rodrigo Duterte ang final recommendations para magawan nito ng karampatang aksyon.