Pansamantalang inihinto ng International Criminal Court (ICC) Office of the Prosecutor ang kanilang imbestigasyon sa alegasyong “crime against humanity” may kaugnayan sa kontrobersiyal na war on drugs ng Duterte administration.
Ginawa ng prosecution ang naturang hakbang upang magsagawa ng assessment sa scope at effect ng isinumiteng deferral request ng Pilipinas.
Sa sulat ni Philippine Ambassador to the Netherlands Eduardo Malaya kay ICC Prosecutor Karim Khan, sinabi nito na nadiskubreng mayroong administrative liability sa mga sangkot na police personnel sa 52 drug war cases.
Sa isang report sinabi naman ni Khan na inaasahan sa mga susunod na mga araw ay magbibigay ng karagdagang impormasyon ang ICC sa Pilipinas salig sa Rule 53 ng Rules of Procedure and Evidence na mahalaga upang mabalasa kung maghahain ba ng aplikasyon sa Pre-Trial Chamber sa ilalim ng Article 18(2) of the Statute para mabigyan ng authorization na ipagpatuloy ang kanilang imbestigasyon.
Sa kabila nito, ipagpapatuloy pa rin naman daw ng ICC ang pag-analisa sa mga hawak nilang impormasyon gayundin ang mga bagong datos na kanilang matatanggap mula sa third parties.
Kung maalala patuloy na iginigiit ng Malacanang na walang hurisdiksiyon ang ICC sa Pilipinas.