-- Advertisements --

Inalmahan ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan ang imbitasyon ng House of Representatives tri-committee sa mga Duterte vloggers at social media influencers.

Ayon sa naturang partido, ang aksyon na ito ng Kamara ay malinaw na panghaharas at paglabag sa karapatang magsalita at magpahayag ng saloobin.

Giit ng grupo na nakasaad sa Saligang Batas na walang batas na dapat ipasa na kikitil sa kalayaan sa pagsasalita, pagpapahayag o karapatan ng mga tao na mapayapang magtipun-tipon at magpetisyon sa pamahalaan na tugunan ang mga hinaing.

Binigyang diin pa nito na bilang isang partido na nagsusulong ng karapatan na nakasaad sa konstitusyon tinutuligsa nito ang anumang direkta o hindi direktang pagtatangka na paghigpitan ang malayang pamamahayag.

Sinabi nito na mahalaga ang malayang pananalita, lalo na sa paglalantad ng katiwalian at mga iregularidad ng gobyerno.

Kaugnay nito ay naniniwala ang partido na tutukan na lamang ang mga mahahalagang usapin sa bansa na nakakaapekto sa mga mamamayang Pilipino.