-- Advertisements --

Ayaw pa ring mag-commit si Pangulong Rodrigo Duterte sa matagal ng imbitasyon ng Estados Unidos na bumisita ito sa Amerika partikular sa White House.

Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang malinaw na pag-uusap nila Secretary of State Mike Pompeo kaugnay sa posible nitong State Visit sa Estados Unidos.

Ayon kay Sec. Panelo, nananatiling walang katiyakan kung papaunlakan ni Pangulong Duterte ang matagal ng imbitasyon ni US President Donald Trump na puntahan naman nito ang Amerika.

Inihayag ni Sec. Panelo na maliban sa layo, hindi pa rin kaya ni Pangulong Duterte ang temperatura sa US partikular na ang lamig doon.

Unang inimbitahan ni Trump si Pangulong Duterte sa kanilang phone conversation noong May 2017 habang Hulyo noong isang taon naman ay sinabi ni US Ambassador to the Philippines Sung Kim na patuloy nilang inaayos ang posibilidad na Washington visit ng pangulo.