Kinumprma ng Malacañang na tinanggap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang imbitasyon ni US President Joe Biden para lumahok sa Summit for Democracy sa December 9 at 10.
Sa impormasyon ng US State Department, virtual ang gagawing partisipasyon dito ni Pangulong Duterte.
Sa inilabas na pahayag ng Malacañang, kasama si Pangulong Duterte sa pinadalhan ng sulat ni President Biden kasama ang iba pang heads of state, iba pang government leaders, mga negosyante at non-government sectors.
Ayon sa Malacañang, nakasaad sa sulat na magiging host ng summit na ito ang Amerika nang may pagpapakumbaba at sa diwa ng mutual learning.
Binigyang-diin din sa sulat na sa pagtutulungan ng mga lider sa mundo ay gagawin nila ang lahat para hubugin ang masaganang bukas batay sa pagrespeto sa mga karapatan at hangarin ng lahat ng mga tao.
Inihayag pa ni Biden na gusto niyang i-welcome at marinig ang mga ideya ni Pangulong Duterte kung papano mapagyayaman pa sa mas demokratiko, kapaki-pakinabang, inclusive at sustainable ang mundo.
Sa panig ni Pangulong Duterte ay tinanggap naman nito ang pagkakataong ito para maibahagi ang karanasang demokratiko ng Pilipinas at ang commitment nito sa democratic values at nation-building.