Nag-withdraw na si Senadora Imee Marcos sa Alyansa Para sa Bagong Pilipinas na ineenderso ng kanyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa pahayag, sinabi ni Marcos na hindi niya raw magagawang mangampanya at tumuntong sa iisang entablado kasama ang iba pang kasapi ng Alyansa.
Ibubunyag niya raw sa mga darating na araw ang kanyang mga paunang natuklasan na aniya malinaw na may mga hakbang na ginawa ang administrasyong Marcos na salungat sa kanyang paninindigan at prinsipyo.
Kung maalala, sa ginanap na pagdinig ng Committee on Foreign Relations noong Marso 20 pinili ng magkapatid na Remulla na sina Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla at Justice Sec Jesus Crispin Remulla na manahimik at gamitin ang kanilang executive privilege nang hilingin sa kanila na ipaliwanag ang mga detalye ukol sa dapat na pagpupulong sa naganap sa pagitan ni Pangulong Marcos at ng kanyang mga miyembro ng Gabinete bago ang pag-aresto kay Duterte.
Ipinaliwanag ni Jonvic, na ang pagpupulong ay ginanap upang talakayin lamang ang mga tsismis tungkol sa pag-aresto sa dating pangulo, ngunit hindi upang pagplanuhan ito.
Giit ni Marcos, ang mga kinatawan ng gobyerno sa pagdinig ng Senado ay mistulang nagtatago ng mahahalagang katotohanan.
Ang hayagang pagtatakip sa kasalanan aniya ay lalo lamang nagpalakas sa hinala na posibleng nalabag ang Konstitusyon at nabawasan ang ating soberanya sa pagkakaaresto kay Duterte.
Dahil dito, sinabi ni Imee na mananatili siyang independent tulad ng kanyang sinabi mula sa simula ng panahon ng halalan.