-- Advertisements --

Pinasara ng Department of Migrant Workers ang isa nanamang immigration consultancy firm na umano’y iligal na nag-aalok ng mga trabaho bilang entry point para sa permanent residency sa Canada.

Ito ay ang main office ng Dream Pathway Education and Immigration Services (Dream Pathway) sa Mandaluyong City.

Maliban dito, ipinag-utos din ni DMW Sec. Hans Leo J. Cacdac ang pagsasara din ng 3 pa sa branches nito sa Cabanatuan City, Nueva Ecija; Apalit, Pampanga; at Lipa City, Batangas.

Ayon kay Sec. Cacdac, tinatarget ng naturang mga kompaniya ang mga Pilipinong nurse, caregivers, nursing aides at welders na may kasamang P110,000 professional fee sa ilalim ng Atlantic Immigration Pilot (AIP) program.

Isa din umano ang Dream Pathway sa hindi awtorisadong entities na nananamantala sa immigration programs ng Canada na ginagamit bilang doorway para magkaroon ng pansamantalang trabaho bago magkaroon ng permanent residency.

Maliban naman sa walang proper license ang kompaniya mula sa DMW, naniningil din ito ng malaking halaga ng processing fee sa mga aplikante.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Sec. Cacdac na kailangan munang dumaan sa verification at documentary processing ng DMW ang mga Pilipino na patungo sa Canada sa ilalim ng Atlantic Immigration Pilot program.

Samantala, inihahanda na ng DMW ang mga kasong illegal recruitment charges laban sa mga indibdiwal sa likod ng iligal na operasyon ng Dream Pathway.