-- Advertisements --
image 402

Inalis sa kanyang puwesto at muling itinalaga sa isang back office ang immigration officer na napaulat na nagsagawa ng mahabang interview sa isang Filipino traveller na nagpaliban sa kanyang nakatakdang paglipad palabas ng bansa.

Sinabi ni Bureau of Immigration (BI) spokesperson Dana Sandoval na ginawa ang pagtanggal sa pwesto para bigyang-daan ang isinasagawang imbestigasyon ng ahensya sa naganap na insidente.

Ani Sandoval, maaari itong humarap sa administrative sanctions batay sa mga patakaran sa kanilang civil service.

Mismong si Bureau of Immigration commissioner Norman Tansingco ang direktang tumawag sa immigration officer upang ipaliwanag ang kanyang panig ng kuwento.

Nabanggit niya na maaaring nagkaroon umano ng pagkukulang sa bahagi ng opisyal sa pagpapaliwanag sa manlalakbay kung ano ang nangyayari at kung bakit ganon ang mga tanong sa panahon ng interview.

Sa kasalukuyan, nasa ilalim na ng imbestigasyon at inaalam na ng mga awtoridad kung ano ang maaaring ipataw na karampatang parusa sa naturang opisyal.

Una nang nilinaw ng Bureau of Immigration na ang mga yearbook o diploma ay hindi kinakailangan para sa mga manlalakbay na umaalis palabas ng bansa.