-- Advertisements --

Inirekomenda ngayon ng Bureau of Immigration (BI) ang paghahain ng administrative complaints laban sa mga immigration officers na sangkot umano sa human trafficking ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa Syria.

Ang mga Immigration officers din ang sinasabing mastermind sa “pastillas” bribery scheme sa loob ng BI.

Ito ang ibinunyag mi Immigration Commissioner Jaime Morente sa Senate committee on women, children, family relations at gender equality habang ipinagpapatuloy ang pagdinig sa human trafficking practices sa loob ng BI.

Sa naturang hearing, hiniling din ni Senator Imee Marcos kay Morente ang status ng imbestigasyon sa mga immigration officers na sina Mark Darwin Talha, Nerissa Pineda, John Michael Angeles, at Ervin Ortañez na isinasangot sa Pastillas scheme.

Si Angeles ay isa sa 86 BI officers na sinampahan ng National Bureau of Investigation (NBI) noong November 2020 dahil sa paglabag sa anti-graft law dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa “pastillas” scam.

Samantala, si Ortañez na anak ni Erwin Ortañez ay siyang overall Travel Control Enforcement Unit head noong port operations chief pa lamang si Marc Red Mariñas, ang sinasabing “godfather” ng “pastillas” scheme.