Sinuspinde na ng Bureau of Immigration ang pagi-issue ng visa upon arrival (VUA) sa Chinese nationals na papasok ng Pilipinas.
Kaugnay pa rin ito ng mga hakbang na ginagawa ng pamahalaan laban sa banta ng pagpasok sa bansa ng 2019 Novel-CoronaVirus (n-CoV) mula Wuhan City, China.
Pero nilinaw ni Immigrations commissioner Jaime Morente na walang ban na ipinatutupad sa mga Chinese.
Una ng sinuspinde ng Civil Aeronautics Board ang lahat ng airline operations na manggagaling mula Wuhan, China papunta sa kahit saang destinasyon sa Pilipinas.
Inatasan na rin ng ahensya ang bawat airline companies na i-monitor ang sitwasyon sa mga kalapit na siyudad ng Wuhan na maaaring susceptible sa pagkalat ng n-CoV.
Nag-heightened alert na rin ang transport terminals na naka-pwesto sa Subic Bay.
Ayon kay Subic Bay Metropolitan Authority chairman Wilma Eisma, sakop ng alert ang airport at sea ports na nagho-host ng cruise ships sa mga stops sa Timog Silangang Asya.
Nagkasundo na rin daw ang SBMA at Bureau of Quarantine, na sakaling magkaroon ng n-CoV case, ay gagamitin ang isolation facility sa Subic Bay International Airport na ginamit sa 2003 SARS outbreak.