Muling iginiit ng mga lider ng Kamara de Representantes na wala sa agenda ng House of Represenattives ang paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Binigyang-diin ito nina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, at House Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe kasunod ng pag-init ng usapin tungkol sa posibleng paghahain ng impeachment complaint laban kay Duterte upang matanggal ito sa puwesto matapos ang ginawang pagbabanta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ipinunto nina Gonzales, Suarez at Dalipe na bagamat seryoso ang Kamara na magkaroon ng transparency at accountability sa gobyerno nakatuon umano ang mga imbestigasyon ng mga komite nito sa paghukay sa katotohanan.
“Let us work together to ensure that governance remains focused on what truly matters—delivering results and improving the lives of our people – while fulfilling all constitutional mandates with integrity and impartiality,” dagdag pa ng mga ito.
Sa ilalim ng Konstitusyon, maaaring magsampa ng impeachment complaint ang sinumang Pilipino laban sa sinumang impeachable na opisyal ng gobyerno. Gayunpaman, ang petisyon ay kailangang iendorso ng isang miyembro ng Kamara para ito ay maaksyunan ng Kapulungan.
Ang mga tuntunin ng Kamara sa impeachment ay nagsasaad ng proseso at mga timeline para sa pagsasaalang-alang at pag-aksyon sa isang impeachment complaint.
Ang isang impeachment petition na nilagdaan ng hindi bababa sa one-third ng lahat ng miyembro ng Kamara ay maaari nang iakyat agad sa Senado para sa isasagawang paglilitis.