-- Advertisements --

Hindi isinasara ng Office of the Vice President (OVP) ang posibilidad na humarap sa korte si Bise Presidente Leni Robredo kung ipatawag ito ng Department of Justice para sa mga kasong isinampa laban sa kanya ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Ito ang kinumpirma ng tagapagsalita ng pangalawang pangulo na si Atty. Barry Gutierrez sa isang presscon kanina.

“Her legal team is in place and will take appropriate steps at the right time. If the subpoena arrives next week, the legal team will prepare an approach response,” ani Gutierrez.

“The Vice President is ready to face whatever trumped up charges that will be brought against her.”

Pulitika ang nakikitang anggulo ng kampo ni Robredo sa patung-patong na kasong inihain kamakailan ng pulisya laban sa kanya at ilang kritiko ng administrasyon.

Ito’y matapos idawit ng nagpakilalang alyas Bikoy na si Peter Joemel Advincula ang mga taga-oposisyon sa kontrobersyal na Ang Totoong Narcolist video.

Bukod dito, mismong abogado na rin ni Advincula na si Larry Gadon ang nagsabi na pwedeng maging basehan sa impeachment ang mga reklamo kay Robredo.

“The lawyer of their principal witness already opened the topic of impeachment. Nakakagulat…because that admission is very revealing kung ano ang agenda nila rito. Hindi pa namin nakukuha ang subpoena at ‘yung kopya ng affidavit, pero kung base sa mga sinabi niya dati, then very clear na walang basis ito, sinungaling ‘yan and this is political harassment.”

Kinuwestyon din ng kampo ng bise ang umano’y pangingialam ng ilang staff ng Office of the Solicitor General sa inihaing kaso.

Kaya hinamon nito ng paliwanag si SolGen Jose Calida.

Una ng dumepensa ang Malacanang at iginiit na wala itong kinalaman sa lumutang na mga kaso.

Pero para sa kampo ni Robredo, isang bagay lang ang malinaw.

Walang katotohanan ang mga reklamo laban sa bise kung pagbabatayan ang mga binitiwang salaysay ni Advincula.