Target ng mga miyembro ng Makabayan bloc na maghain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte para sa umano’y hindi awtorisadong paggamit ng confidential funds noong 2022.
Pinalutang ito sa budget hearing ng Commission on Audit (COA) nang isiwalat ng komisyon na mayroong P125 milion confidential funds noong 2022 ang Office of the Vice President (OVP) matapos na maupo sa pwesto si Duterte.
Subalit ang naturang confidential fund ay hindi umano parte ng 2022 General Approriations Act dahil ang nakaupo noon na Vice-President ay si Leni Robredo na hindi humiling at hindi nabigyan ng confidential funds para sa kaniyang opisina para sa fiscal year 2022. Habang nag-umpisa lamang ang termino ni VP Sara noong June 30, 2022.
Base kasi sa report ng COA, mayroong karagdagang alokasyong pondo para sa Confidential Expense sa ikalawang semester ng calendar year 2022 na nagkakahalaga ng P125 million.
Kaugnay nito ayon kay House Deputy Minority Leader at ACT Teachers Rep. France Castro, maaaring managot sa multiple violations ang Bise Presidente sa paggamit ng P125 million sa confidential funds noong 2022 gayong wala namang awtorisasyon mula sa Kongreso para sa Confidential and Intelligence Funds (CIF) para sa OVP para sa nasabing fiscal year.
Ngunit sinabi din ng mambabatas na kanila munang pag-aaralan ang posibilidad na mapanagot ang opisyal kung mapapatunayang mayroon talagang paglabag lalo na kaugnay sa maling paggamit ng public funds, technical malversation at paglabag sa Konstitusyon.
Aantayin muna nila ang report mula sa COA para maimbestigahan ang nabanggit na posibleng mga paglabag bago maghain ng impeachment complaint.
Saad ng mambabatas na kailangang ipaliwanag o magbigay ng detalyadong public accounting ng Bise Presidente kung paano ginamit ang P125 million sa confidential expenses sa nakalipas na anim na buwan noong 2022.
Naniniwala din ang mambabatas na posibleng mayroong mga paglabag sa ruling ng Korte Suprema sa Disbursement Acceleration Program (DAP) kung ang savings ay nagamit para pondohan ang P125 million confidential fund.