-- Advertisements --

Posibleng simulan nang pagbotohan bukas, Desyembre 6, ang impeachment complaint laban kay South Korean Pres. Yoon Suk-yeol.

Kahapon ay inihain ng anim na opposition party ang reklamo laban kay Yoon kasunod na rin nang una niyang deklarasyon ng martial law na binawi rin matapos ang ilang oras.

Agad namang itinakda ng mga SoKor lawmakers ang plenary session para pormal na ipakilala ang impeachment complaint.

Sa ilalim ng batas ng SoKor, maarring tanggalin ng National Assembly ang presidente nito kung mahigit 2/3 ng mga mambabatas ay boboto-pabor sa complaint.

Susundan ito ng pagdinig ng constitutional court na may siyam na miyembro. Kapag bumuto ng anim na miyembro pabor sa complaint, tuluyan nang matatanggal ang presidente.

Sa kasalukuyan, ang partido ni Pres. Yoon ang may hawak sa 108 seats sa National Assembly. Ito ay may kabuuang 300 na miyembro.

Kung mag-resign naman ang SoKor president, otomatikong magsisilbing lider si Prime Minister Han Duck-soo.

Mananatili siya rito hanggang hindi mahahalal ang papalit sa kaniya. Sa batas ng naturang bansa, kailangang maisagawa ang naturang halalan sa loob ng 60 araw.