-- Advertisements --

Nakatakdang magpasya ang Constitutional Court sa impeachment ni South Korean President Yoon Suk-yeol sa araw ng Biyernes, Abril 4.

Ito ay ilang buwan matapos siyang suspendihin kasunod ng pagdedeklara ng martial law noong Disyembre 2024.

Bago ito, matatandaan na ilang impeachment hearings ang isinagawa ng korte para matukoy kung opisyal ng tatanggalin sa pwesto si Yoon.

Bagamat maaaring magpasya ang Constitutional Court hanggang sa Hunyo, karaniwang nagtatagal lamang ng ilang linggo ang pag-iisyu ng korte ng rulings sa nakalipas na presidential impeachment cases.

Subalit sa kaso ni Yoon, mas matagal ang paglalabas ng ruling kesa sa inaasahan.

Para matanggal sa pwesto si Yoon, kailangan na bumoto ng pabor ang 8 justices at sakali mang magpasya ang Constitutional Court na pormal ng sibakin sa pwesto si Yoon, magbubunsod ito ng pagdaraos ng halalan sa loob ng 60 araw.

Samantala, kasalukuyan nang namumuno bilang acting President ang kaalyado ni Yoon na si Prime Minister Han Duck-soo na in-impeach din subalit muling ibinalik sa pwesto noong nakalipas na linggo matapos ibasura ng korte ang kaniyang impeachment case.