-- Advertisements --

Pinaplano ng pangunahing opposition party sa South Korea na Democratic Party na magkasa ng impeachment proceedings laban kay SoKor President Yoon Suk-Yeol sakaling hindi agad ito magbitiw sa pwesto kasunod nga ng panandaliang deklarasyon ng martial law sa nakalipas na magdamag na agad ding binawi.

Sa isang statement, sinabi ng opposition party na kapag hindi nagbitiw si Yoon agad na magsasagawa ng impeachment proceedings ang Partido alinsunod aniya sa kagustuhan ng mamamayan ng SoKor.

Ayon sa koalisyon ng mga mambabatas mula sa opposition parties, plano nilang magpanukala ng isang bill para i-impeach si Yoon ngayong Miyerkules na pagbobotohan sa loob ng 72 oras o 3 araw.

Batay naman sa isang presidential official, nag-alok ang chief of staff at senior secretaries ni Yoon na mag-resign nang maramihan.

Matapos nga ang deklarasyon ni Yoon ng Martial law na layuning depensahan ng kanilang bansa mula sa North Korea at pro-North anti-state forces at protektahan ang kanilang malayang constitutional order, nagbunsod ito ng gulo at demonstrasyon kung saan ilang mga tao ang umakyat pa sa parliament building sa pamamagitan ng pag-smash sa bintana at makikita din ang mga umaaligid na military helicopters sa himpapawid.

Samantala, mas maraming protesta ang inaasahan ngayong araw kung saan pinaplano ng pinakamalaking union coalition sa SoKor na Korean Confederation of Trade Unions na magkasa ng rally sa Seoul at nangakong magpoprotesta hanggang sa magbitiw sa pwesto si Yoon.