-- Advertisements --

Uusad pa rin ang impeachment trial kay Vice President Sara Duterte kahit imbitahan kung sakali ng International Criminal Court (ICC) sa kanilang imbestigasyon kaugnay sa war on drugs ng kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang iginiit ng isa sa mga House prosecutors para sa impeachment trial ni VP Sara na si Manila Rep. Joel Chua sa isang press conference ngayong Lunes, Marso 10.

Subalit inamin ng mambabatas na maaaring maantala ang trial sakaling kasama ang Bise Presidente sa posibleng warrant of arrest ng ICC at sakaling dadalhin sa The Hague, Netherlands kung saan nakabase ang ICC sa oras na maipatupad ito.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag sa gitna ng mga alingasngas kaugnay sa posibleng paglalabas ng arrest warrant ng ICC laban sa dating Pangulo kung saan si VP Sara ang isa sa respondents sa kaso.

Inihayag naman ni Chua na hindi kawalan si dating Pangulong Rodrigo Duterte na nauna ng nagpresenta na maging abogado ng kaniyang anak sa impeachment trial, kung sakaling maipatupad ang warrant mula sa ICC.

Pagdating naman kay VP Sara, sinabi ni Cong. Chua na kung sakaling hindi available si VP Sara para sa impeachment trial, maaaring hingan ng judicial affidavit ang kaniyang kampo.

Samantala, ibinunyag naman ng mambabatas na nakatakdang mag-convene ang mga miyembro ng House prosecutor panel bukas, Masro 11 para talakayin ang kanilang mga plano kung sakaling kailanganin ang presensiya ni VP Sara sa The Hague.

Sa panig naman ni VP Sara, nauna na niyang itinanggi sa isang pahayag noong Pebrero 2024 ang pagkakadawit niya sa umano’y extrajudicial killings kaugnay sa drug war ng kaniyang ama at hinamon ang mga naga-akusa sa kaniya na magdemanda ng murder.

Ito ay kasunod ng rebelasyon ni self-confessed Davao Death Squad (DDS) hitman at retired Philippine police officer Arturo Lascañas na naga-akusa kay VP Sara na nag-atas umano sa law enforcement officials para dukutin at ibaon ang mga drug suspect at palabasing ang mga ito bilang kidnapping case nang siya ay alkalde pa lamang ng Davao noong 2012.