Naniniwala si San Beda Graduate School of Law Dean, Fr. Ranhilio Aquino na isang magandang pagkakataon para kay VP Sara Duterte ang impeachment trial para patunayan ang kaniyang pagiging inosente sa lahat ng mga isyung ibinibintang sa kaniya.
Si Fr. Aquino ay isa sa mga miyembro ng Consultative Committee (ConCom) na binuo ni dating Pang. Rodrigo Duterte para repasuhin ang nilalaman ng 1987 Philippine Constitution.
Aniya, dapat ay samantalahin ng kampo ni VP Sara ang trial upang sagutin ang lahat ng alegasyon at ipakita ang kaniyang kawalang-sala.
Maliban dito, binigyang-diin din ni Fr. Aquino na ang pag-usad ng impeachment process ay nagpapakita ng pananaig ng accountability sa mga public officials ng bansa.
Aniya, anuman ang estado, gaano man kataas ang posisyon o katungkulan, ay natitiyak na mapapanagot sa pamamagitan ng ganitong paraan.
Naniniwala rin ang legal expert na mababawasan pa ang mga articles of impeachment na binuo ng Kamara laban kay VP Sara habang umuusad na ang trial, tulad ng nangyari noong impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
Isa sa mga tinukoy ni Fr. Aquino ang pagbabanta ni VP Sara na patayin sina PBBM, FL Liza Marcos at HS Martin Romualdez kung siya ay papatayin.
Isa ito sa mga ginawang ground ng Kamara, ngunit ayon kay Fr. Aquino, posibleng tatanggalin din ito kinalaunan.
Ang isa sa pinakamabigat lamang aniya ay ang umano’y pagwaldas sa CIF ng opisina ni VP Sara dahil mayroong mga paper trail sa mga ito.